Monday, December 13, 2010

Pagpapatupad ng "anti-smoking law" sa Q.C., hinigpitan

Quezon City (11 December) -- Nangako ang Quezon City Government na dodoblehin pa nito ang pagpupunyaging mahigpit na maipatupad ang anti-smoking law, kasabay nang babala sa publiko lalung lalo na sa mga naninigarilyo na sumunod sa batas kundi ay maaari silang makulong o magbayad ng multa.

Ito ay matapos na muling pinagtibay ng Quezon City Government, miyembro ng tinawag na G7, ang commitment nito na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng Republic Act 9211 or Tobacco Regulation Act of 2003 sa isinagawang seminar na tinaguriang "Greater Teeth and Tools for the Enforcement and implementation of Tobacco Regulation Act Project" na isinagawa ng University of the Philippines College of Law Development Foundation, Inc.

Ang G7 ay alysansa ng pitong siyudad sa National Capital Region (NCR) na naglalayong labanan ang paninigarilyo base na rin sa isinasaad sa RA 9211 para makamit ang adhikaing Smoke-Free Philippines sa mga susunod na taon. Ang grupo ay binubuo ng QC, Makati, Manila, Marikina, Mandaluyong, Pasig at Caloocan.

Sa isang executive Order, binuo ni Mayor Herbert Bautista ang Smoke-Free Task Force na naglalayong maipatupad at mamonitor ang full compliance sa batas sa mga pampublikong lugar at buildings sa pribado at pampublikong lugar, at iba pang public places para maprotektahan ang publiko mula sa masamang epekto ng sigarilyo.

Naniniwala si Mayor Bautista na ang pagkakabuo ng task force ay makakabawas sa masamang dulot ng usok ng sigarilyo, lalung-lalo na ang tinatawag na secondhand smoke sa mga hindi naninigarilyo.

Sa datos mula sa Tobacco Burden of Facts in the Philippines, nabunyag na 35 porsyento ng mga Pilipinong nasa edad 18 pataas ang nainigarilyo habang 55 porsyento naman ng mga kabataang edad 13-15 ang exposed sa secondhand smoke sa kanilang tahanan at 65 porsyento naman ang nakakalanghap ng secondhand smoke sa mga pampublikong lugar.

Nabunyag pa na ang paninigarilyo ay may kinalaman sa pagkamatay ng nasa higit na 35,000 Pilipino kada taon dahil sa lung cancer, tranchea at bronchus.

Kung pagbabasehan ang datos ukol sa masamang epekto ng sigarilyo sa katawan ng tao, sinabi ni Dr. Antonietta Inumerable, chairperson ng QC smoke-free task force na kailangang magkaroong ng mas mabigat na hakbang para maprotektahan ang publiko sa pamamagitan nang mahigpit na pagpapatupad ng RA 9211 at mga ordinansa laban sa paninigarilyo.

Nakapaloob sa QC Ordinance ang multang P500 hanggang P1,000 para sa unang opensa; P1,000 hanggang P3,000 sa ikalawang opensa at P3,000 hanggang P5,000 sa third offense sa mga indibidwal na naninigarilyo sa pampublikong lugar; nagtitinda o bumibili ng sigarilyo sa mga menor de edad at nagbebenta malapit (100 metro) sa eskuwelahan, playground o anumang pasilidad na madalas na pinaglalagian ng mga bata. Habang ang mga business establishments ay pagmumultahin naman ng mula P500 hanggang P5,000 sa third offense kasama na ang pagbawi sa kanilang business permit kapag napatunayang nagbebenta sa mga bata; walang babalang "Non-Smoking Area" o "No Smoking"; walang itinakdang lugar para sa paninigarilyo at di pagsunod sa specification/standards ng smoking areas. (PIA-MMIO)

No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive