Wednesday, March 31, 2010

Pinoy Indie Movie Review: "Ang Paggagahasa kay Fe"



Ni Mar Anthony Simon de la Cruz

Madalas na panakot sa akin ng matatanda noong bata ako ang kapre na nakatira raw sa puno ng mangga namin. Sabi nila, kung hindi raw ako matutulog sa hapon, dadalawin daw ako ng kapre sa pagtulog. Sabi nila, kung hindi raw ako titigil sa paggala sa gabi, papasuin daw ako ng higanteng tabako ng higanteng nilalang. Ginamit nila ang kapre para limitahan ang mga kilos ko. Gumawa sila ng mga kuwento-kuwento para ikahon ako. Samakatuwid, ang kapre ay naging simbolo ng opresyon. Ngunit kabaligtaran ang representasyon ng nilalang na ito sa pelikulang “Ang Panggagahasa Kay Fe” (2009) ni Alvin Yapan. Kinasangkapan ang kapre bilang simbolo ng paglaya ng isang babae mula sa opresyong dulot ng patriyarka.

Umikot ang pelikula kay Fe (Irma Adlawan). Bilang manggagawa, biktima siya ng isang lipunan kung saan ang kalakaran ay hindi ang paglikha ng mga trabaho sa loob ng bansa para sa mamamayan nito, kundi ang pamumuhunan sa pag-export ng mga OFW. Tumingkad ang pagiging biktima ni Fe nang umuwi siya sa kanayunan dahil sa epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Bilang babae, biktima siya ng isang lipunang hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan sa mga pagbabago at patuloy na ikinukulong ang mga babae sa isang madilim at masikip na kahon.

Pisikal, seksuwal, at emosyonal na pang-aabuso ang natatanggap ni Fe mula sa kanyang asawang si Dante (Nonie Buencamino). Dahil sa mga pang-aabusong ito, naghanap siya ng ibang makatutulong sa kanyang makatakas palayo sa kanyang asawa. Inakala niyang matutupad ang kanyang mga plano sa tulong ni Arturo, isang dating manliligaw. Sinabi ni Fe na lumayo na sila, ngunit may iba pang plano sa buhay si Arturo.

Sa gitna ng mga pang-aabuso ni Dante at kahinaan ni Arturo, nakakatanggap si Fe ng isang misteryosong basket na puno ng itim na prutas tuwing umaga. Inakala niya noong una na ito ay mula sa kanyang asawa bilang peace offering matapos siyang saktan. Makikita rito ang tindi ng sitwasyong kinasasadlakan ni Fe. Simple lang naman ang kanyang hinihingi: ang pagmamahal at respeto ng asawa. Ngunit binugbog siya at ginahasa ng asawa dahil sa suspetsa nitong may kinakalantaring ibang lalaki si Fe. Inilihim na lang ng babae ang mga sumunod na pagdating ng basket (na palapit nang palapit sa kanilang pinto) sa takot na saktan muli ng asawa.

Isang araw, natagpuan niya ang basket sa loob ng kanilang bahay. Dali-dali niya itong inilibing sa likod-bahay. Salamat sa napakahusay na pag-arte ni Adlawan, makikita sa eksenang ito ang halo-halong damdaming bumabalot sa isang babaeng pinupunit ng mapaniil na sistema: takot, kaba, galit,sakit, at kawalang-pag-asa.

Kailangan nang makawala ni Fe. Patindi na nang patindi ang pananakal ni Dante sa kanya. Wala na rin siyang maaasahan kay Arturo na mahigpit na nakatali sa obligasyon nito sa kanyang pamilya at sa negosyo. Alam niyang hindi niya makukuha sa dalawang lalaki ang pagmamahal na kaligayahan na dapat ay ibinibigay sa kanya. Isa na lamang ang solusyon: ang sumama sa misteryosong manliligaw.

Inilantad sa hulihan ng pelikula kung sino ang manliligaw na ito – isang kapre. Ngunit iba ang itsura nito sa kapreng nasa imahinasyon ng marami. Marahil ito ay upang salungatin ang namamayaning pananaw na ang kapre ay kasangkapan ng pananakot at opresyon. Ang kapre at ang basket na kanyang ipinadadala tuwing umaga kay Fe ay simbolo ng paglaya. Noong una, ang basket ay nagsilbing panandaliang kaligayahan kay Fe sa akalang galing ito kay Dante. Ngunit naging instrumento ito ng pagpaparusa nang saktan at gahasain siya ng asawa. Ang parusang ito ang nagdulot kay Fe na pag-isipan ang kanyang sitwasyon at gumawa ng paraan upang makawala mula sa mga puwersang gumagapos sa kanya. Sa huli, ang kapre at ang basket ang naging daan tungo sa kanyang pagkaligtas at kalayaan.

Hindi kataka-takang umani ng papuri mula sa mga kritiko, akademiko, at karaniwang manonood ang “Ang Panggagahasa Kay Fe”. Mahusay na ginampanan ni Adlawan ang papel ni Fe, gayundin sina Buencamino at Trinidad sa kanilang karakter. Kuhang-kuha ng kilos ng kamera at ng ilaw ang imahen ng isang kapaligirang nababalot sa kahirapan at misteryo. Pinatingkad naman ng musical score ang mga emosyon ni Fe at sinalungguhitan nito ang kabuuang mood ng pelikula. Bukod pa ang mga ito sa mahusay na pagtatahi ni Yapan ng naratibo.

Unang ipinalabas sa Cinemalaya noong isang taon, naging bahagi ito sa katatapos lang na 19th International Women’s Film Festival sa UP Cine Adarna. Na ipinalabas ito ng isang institusyong nagsusulong sa karapatan at tunguhin ng kababaihan ay nangangahulugang sinusuportahan ng mga grupong maka-babae ang pelikula. Bagamat lalaki ang nagsulat at nagdirihe ng pelikula, masasabing nasapul ang sensibilidad ng isang babaeng kumikilos laban sa paniniil ng patriyarka.

(Mar Anthony Simon de la Cruz is a freelance writer. He is currently taking his master's degree in creative writing at U.P. Diliman)

(Coming Soon: 2008 COA report raises questions about several University of the Philippines affiliated foundations)

No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive