Thursday, March 3, 2011

Patuloy na paggigiit sa isang demokratikong pamantasan ng bayan


By Judy M. Taguiwalo

Mahalaga ang BOR meeting kahapon.
Unang BOR meeting ito na ang UP President ay si Alfredo Pascual.
BOR meeting ito para piliin ang bagong Chancellor ng UP Diliman pagkatapos ng anim na taon ng Administrasyong Cao.
Katatapos lang ng USC elections. Naroon ang outgoing USC Chair Rainier Sindayen at incoming USC Chair Gem Garcia
Katatapos lang ng General Assembly ng All UP Workers Union UP Diliman chapter at naroon ang bagong halal na Council.
Nakasked ang unang dialogue ng National Executive Board ng All UP Academic Employees Union kay Faculty Regent Ida Dalmacio noong hapong iyon kaya naroon ang National President ng acad union.
Naroon ang mga taga UPLB para patuloy na ipaglaban ang di makatarungang ginagawa kay Freddie Sembrano, ang pangulo ng All UP Workers Union, UPLB chapter.

Bagama't may ilang nagulat kung bakit nagrali pa sa Quezon Hall kung tapos na ang Roman Empire, makikita sa mga placards at marinig sa mga naging talumpati ang patuloy na pagtindig ng mga organisasyon ng kawani, faculty, REPS , estudyante, manininda at komundad ang pangangailangan para sa pagpapatatag pa ng pagkakaisa para maisulong ang isang UP na may demokratikong pamamahala, abot kaya para sa mga estudyante, may pagkalinga sa maralita at tumitindig sa mga isyung pambayan.

Dumating si Dean Roland Tolentino bago ang botohan at nagpahayag nang kanyang patuloy na pagtindig para sa demokratikong pamantasang bayan, mapili mang Chancellor o hindi.

Si President Pascual ang bumaba para ianunsyo ang resulta ng pamimili ng BOR sa bagong Chancellor--si Dean Ceasar Saloma ng College of Science. Kinilala ng mga nasa ibaba ng Quezon Hall ang gesture ng pagharap ng UP President sa kanila para iulat ang resulta ng pamimili. Ipinahayag ng mga taga Rights of Untenured UP Faculty kay Pres. Pascual ang kanilang pagkakainip sa pagpapatupad sa desisyon ng BOR na mabigyan na ng tenure si Sarah Raymundo.

Ibinalita ng Staff Regent na binigyan ng authority si President Pascual ng BOR para maagang marelease ang first rice subsidy--ang kahilingan ng All UP Workers Union para makakuha ng bigas habang di pa tumataas ang presyo nito. Iniulat niya ring inumpisahan na ng bagong Administrasyon ang pag-aaral sa kahilingang additional 10 days leave para sa mga kawani at REPS dahil hindi nag-iwan ng computation ang nakaraang administrasyon kung gaano kalaki ang budget allocation na kailangan para rito.

Ipinaabot ng Student Regent na ipaiimbestiga ng UP President ang kahilingan ng UP Cebu community na alisin na sa pwesto si Dean Avila bunga ng sunud-sunod na paglabag nito sa demokratikong pamamahala.

Bagama't marami ang nalungkot na hindi si Dean Tolentino ang napiling Chancellor ng UP Diliman, hindi tumamlay ang programa. Nagwakas ito sa mga kantang "Awit ng Pag-asa" at "UP Naming Mahal" na militante at madamdaming inawit nang mga naroroon.

Tuloy ang laban para sa demokratikong pamantasan ng sambayanan.

Tuloy ang ating sama-samang pagkilos

(Judy M. Taguiwalo is the former University of the Philippines Faculty Regent. She is currently a professor of the College of Social Work and Community Development at U.P. Diliman)

No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive