Monday, March 7, 2011

Pahayag ng UP Kilos Na para sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan!!

By U.P. Kilos Na

Ang Kababaihan at ang Pamantasan Sa Unang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Panahon ni Pangulong Noynoy Aquino
Pahayag ng UP Kilos Na Para sa Demokratikong Pamantasan ng Sambayanan (UP Kilos Na)
Marso 8, 2011

Kasaysayan ng Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Tama, sentenaryo ng Araw ng Kababaihan ang Marso 8, 2011. Ikatlong pagdiwang na ito ng sentenaryo ito kung tuusin sa nakaraang tatlong taon:

2008: paggunita sa 100 taon pagkatapos nang Marso 8, 1908 kung kailan ginanap  ang demonstrasyon ng 15,000 kababaihan sa New York para patuloy na ipaglaban ang mas mataas na sahod at mas mahusay na kondisyon sa paggawa at ang karapatang bumoto ng kababaihan

2010: paggunita sa 100 taon  nang idineklara ng Ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Kababaihang Manggagawa noong 1910  ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan para bigyang pugay ang kilusan sa pagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan.

Ang sentenaryo ngayong 2011 ay  ang paggunita sa UNANG aktwal na  pagdiwang ng  Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong 1911na  ginanap sa Copenhagen noong Marso 19. Matagumpay na nagdaos ng mga pulong kababaihan sa iba’t ibang mga village halls. Sa maraming pagkakataon, ang mga lalaking asawa ang naiwan sa bahay para mag-alaga sa mga anak para ang kanilang mga kabiyak ay makadalo sa mga pulong. Nagkaroon din ng mga demonstrasyon kung saan ang pinakamalaki ay dinaluhan ng 30,000 kababaihan.

Noong 1913, unang idinaos ang Araw ng Kababaihan sa Marso 8 para gunitain ang mga pagkilos ng kababaihang manggagawa laban sa masahol na kondisyon ng paggawa at mababang pasahod.. At nang 1977, idineklara ng United Nations ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.


Ang Araw ng Kababaihan sa Pilipinas ngayong 2011

Araw ito nang selebrasyon sa mga tagumpay ng 100 taong pakikibaka ng kababaihan sa buong daigdig at sa Pilipinas para sa nakabubuhay na sahod, pantay na karapatan ng kasarian, at para lipunang mapagkalinga sa kababaihan at mga bata.

Araw ito ng selebrasyon ng pagkakaisa ng kababaihan at iba pang sektor upang patuloy na tiyaking maparusahan si Gloria Macapagal Arroyo sa lahat ng pahirap, pangungurakot, pandaraya at pasismo sa panahon ng kanyang panunungkulan.  Araw ito, lalo't higit, sa pagsingil sa Administrasyong Noynoy Aquino upang tiyaking maparurusahan ang Administrasyong Arroyo at mabibigyang-katarungan ang lahat ng biktima nito.

Sa araw na ito, ang UP Kilos Na ay nakikiisa sa pagdiriwang ng mga tagumpay ng mga pagkilos ng kababaihan sa buong daigdig at sa Pilipinas para maisulong ang karapatan, kapakanan at kagalingan ng kababaihan. Kinikilala rin natin ang mga nakamit natin sa pamantasan para maisulong ang katayuan ng kababaihan. May patakaran na laban sa sexual harassment. May mga women/gender centers sa system at CUs. May gender committee ang ating USC. May gender focal points na ang ilang opisina. Tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng mga gender sensitivity trainings at iba pang mga pag-aaral kaugnay sa mga isyu ng kababaihan para sa mag-aaral at kawani Nakapaloob sa mga Collective Negotiation Agreement ng UP at ng All UP Workers Union at All UP Academic Employees Union ang prinsipyo at ilang kongretong hakbang para maitaguyod ang pagiging gender response ng UP.

Pero hindi sapat na magdiwang. Maraming usapin pa rin sa Unibersidad. Ang isyu ni Sarah Raymundo ay isyu ng karapatan sa tenure ng isang babae na mula pa 2008 hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya.  Nawawala pa rin ang dalawang babaeng estudyante ng UP: sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga pwersang militar noong Hunyo 26, 2006. Limitado ang alokasyon para  sa daycare ng UP Diliman at kontrakwal ang mga nagtuturo rito. Ang pagtaas ng mga singilin sa Health Service ay dagdag na pasanin ng mga empleyado ng UP laluna ang kababaihan na siyang pangunahing inaasahang magkarga ng pag-alaga sa mga maysakit na myembro ng pamilya. At ang matagal nang hinihinging dagdag na health insurance para sa mga empleyado ng UP ay hindi pa rin natatamo.

Ang Pakikiisa ng Pamantasang Bayan sa mga Kahilingan ng Kababaihan

Sa maagang yugto ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino, tumitindig ang kababaihan, kasama ang mga sektor ng sambayanan, laban sa mga kontra-babae at kontra-mamamayang palisiya at patakaran ng administrasyong ito. Dahil ang isyu ng kababaihan ay isyu ng bayan at ang isyu ng bayan ay isyu ng kababaihan, nakikiisa ang UP Kilos Na sa kahilingan ng kababaihang Pilipino para singilin ang Administrasyong Aquino sa mga sumusunod :

1)     Alisin na ang EVAT. Repeal oil deregulation law. No sa pagtaas sa singil sa MRT/LRT. Ibaba ang presyo ng bigas at gasoline.
2)     Dagdag na P125 bawat araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 bawat buwan para sa mga kawani ng pamahalaan. Upgrade teachers’ salary to SG 15!
3)     Ipasa ang Comprehensive Reproductive Health Bill para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng kababaihan mula pa sa panganganak hanggang menopause. Puspusang ipatupad ang implementasyon ng GAD Budget!
4)     Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Ipamahagi na ang Had Luisita.
5)     Itigil ang demolisyon  ng maralitang tagalunsod.
6)     Patalsikin na si Merceditas Gutierrez bilang Ombudsman at singilin si Gloria Macapagal-Arroyo sa pandarambong, pandaraya at paglabag sa karapatang pantao
7)     Itaguyod ang usaping pangkapayapaan para sa makatarungan at matagalang kapayapaan. Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal. Tutulan ang OPlan Bayanihan bilang pinakabagong patakarang counter-insurgency.
8)     Ihinto ang patakarang public private partnership na lalo lamang nagpapataas sa mga presyo ng mga bilihin at serbisyo at nagpapalaki ng kita ng mga negosyante.
9)     Igiit ang pambansang soberaniya. No to the Visiting Forces Agreement. No to Balikatan exercises.

Kababaihan Magkaisa! Itaguyod an gating kabuhayan, kagalingan at karapatan!!

Kilos na para singilin si Pangulong Aquino sa batayang kahilingan para sa lupa, trabaho at panlipunang serbisyo.




No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive