By Kristian Jacob Abad Lora
Ako'y minsa'y naiiyak kapag may naririnig akong mga batikos sa mga kilos-protesta. Kamakailan lang ay may narinig akong batikos mula sa ilang Iskolar ng UP Cebu. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil nagkulang din naman akong ipaintindi sa kanila kung bakit may mga kilos-protesta. Kung kaya't sa pagpapalabas kong ito ng aking mga hinaing, ipapaliwanag ko rin kung bakit may mga pagkikilos gaya ng rally.
Kadalasang batikos ng mga Iskolar ng Bayan sa mga kilos-protesta'y ang mga ito'y nakakasira raw ng imahe ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa totoo lang, sira na ang imahe ng Unibersidad - may mga nagsasabing mayayabang raw yung mga Isko at Iska, sosyal, walang pakialam, walang puso sa mga mahihirap. At ako'y nagnanais na mabalik ang dating imahe ng Unibersidad - bilang Unibersidad ng Bayan at Para sa Bayan na tunay na naglilingkod, tumutulong at lumalaban para sa masang Pilipino.
Sa tingin niyo gustung-gusto ko ang palagiang rally? Sa tingin niyo gustung-gusto ko ang magpabilad sa ilalim ng araw? Napapagod din ako minsan. Sa totoo lang, pwede ko rin namang piliin ang mamuhay nang matiwasay at magpakasarili, mag-aral buong araw at magsindi ng mga kandila sa bawat pagtatapos ng semestre. Subalit di ko matitiis ang manahimik lang habang nagkakagulo sa lipunang aking kinagagalawan. Hindi ko matitiis ang maghintay ng ilan pang taon para makagradweyt habang nakikita kong may mga inaapi't pinapatay na mahihirap, may mga mahihirap na kabataang di nakakapag-aral lalung-lalo na sa kolehiyo, at habang nakikita kong nasisira ang ating kalikasan dahil sa pagpayag ng ating gubyerno na magmina, mag-operate ng coal-fired power plants at mag-oil exploration ang mga dayuhan.
Tayo po ay nagmamakasarili - we only care about our image, our job, our future. Pero huwag po nating kalimutan, pagkatapos nating mag-aral, sa lipunang ito pa rin ang ating bagsak. Makakaranas tayo ng panggigipit at pang-aapi mula sa kompanyang ating pagtatrabahuan hanggang sa gubyerno. Sa madaling sabi, tayo rin lang ang maaapektuhan sa ating pananahimik sa gitna ng mga pagkikilos sa panahon ng ating pag-aaral.
Alam kong minamaliit natin ang kapangyarihan ng mga sama-samang pagkilos gaya ng rally. Huwag nating kalimutan na sa ating massive WALKOUT, rallies at strikes from November to December last year ay nadagdagan ang badyet ng SUC's kahit di gaano malaki ang halaga. Huwag nating kalimutan na ang ating sama-samang pagkilos noong Pebrero ng nakaraaang taon ang siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa ang UP Cebu High School at may mga underprivileged na kabataan ang nakakatamasa ng de-kalidad na edukasyon ng UP Cebu High School.Huwag sana nating kalimutan na sa sama-samang pagkilos ng mga Pilipino mula sa rebolusyon nina Bonifacio hanggang sa EDSA I Movement ng 1986 ay natamo ang kalayaang ini-enjoy natin ngayon. Lahat ng mga ito ay hindi natamo sa pamamagitan lang ng mga diplomatikong pamamaraan (hal: pag-aapela, pagpapadala ng sulat sa gubyerno, sa Admin, etc.)
Sana'y maiintindihan niyo kung bakit may mga kilos-protesta. Hangga't may mga inhustisya at hanggang sa nagbibingi-bingian ang gubyerno sa hinaing ng taumbayan, di mawawala ang mga kilos-protesta. At hanggang sa aking makakaya'y lalahok ako sa mga kilos-protesta kahit ikamamatay ko man ito. Titiyakin kong bago ako mawala sa mundong ito ay may naiambag ako sa lipunang kumupkop sa akin habang ako'y pansamantalang namuhay sa mundong ito. Titiyakin ko na hindi lang ako naging Iskolar ng Bayan kundi ako rin ay naging Iskolar para sa Bayan at para sa Kinabukasan. SERVE THE PEOPLE! Padayon! GOD BLESS!
tama kuya kristian!!!!!!!!!!!!
ReplyDelete