Showing posts with label Pinoy Movie Review. Show all posts
Showing posts with label Pinoy Movie Review. Show all posts

Friday, April 2, 2010

Pinoy Movie Review: "Miss You Like Crazy"



Ni Vida Llevares

“Bakit ka ba nagpa-panic? Kahit nga hindi mo ako hinahanap nagkikita pa rin tayo!” Isa lamang ito sa kilig na mga linyang dala ng pelikulang “Miss You Like Crazy,” galing sa Star Cinema. Tampok ang pagbabalik-tambalan ng box-office tandem nila John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, hindi naman maikakakailang isa itong pelikulang matagal ng hinihintay at pinanabikan ng mga manonood. Tatlong taon ang hinintay upang magbalik ang pares na ito sa pagbibigay ng saya, kilig at luha sa mga manonood. At ngayong 2010, nagbalik sila para maipakita ulit kung bakit sila nararapat bilang pinakapatok na love team sa kanilang henerasyon.

Isa nga namang maipagmamalaki ng pelikulang ito ay ang paglakas-loob na mag-eksperimento at subukan ang hindi karaniwang napapanood ng mga Pilipino. At eto nga ay ang hindi mababaw at puro kilig na lamang na kuwento ngunit isang malalim at makabuluhang pananaw sa pag-ibig. Umiikot ang istorya kina Allan (John Lloyd Cruz) at Mia (Bea Alonzo), na nagkakilala habang pareho silang nakasakay sa Pasig River Ferry. Dito din sila unang nagkagustuhan hanggang sila’y nagkamabutihan habang magkapiling na bumibili sa Divisoria o kaya ay matagal na nagkukuwentuhan kasama ang mainit na kape. Ang mga pangyayaring ito ay tila nagsasabing pinagtagpo talaga si Allan at Mia ng tadhana. Habang sila’y nagkakamabutihan ay lumalabo naman ang relasyon ni Allan sa kanyang nobyang si Daphne, na ginagampanan ng Star Magic artist Maricar Reyes. Si Daphne ay anak ng boss ni Allan, at kung mapunta man sa wala ang kanilang relasyon ay maaaring mawalan si Allan ng trabaho sa kompanya ng ama ni Daphne. Hindi handing bitiwan ni Allan ang trabaho nito, kaya pinilit na lamang niyang kalimutan ang kanyang nararamdaman para kay Mia.

Dalawang taon ang hinintay bago magkitang ulit sila Allan at Mia, ngunit ngayon ay sa Malaysia naman. Sa bansang ito nagtatrabaho si Mia bilang isang front desk officer. Binaliktad naman ngayon ang mga pagkakataon, dahil si Mia naman ang may relasyon at si Allan naman ang wala. Sinubukan ni Allan na magkahulugan ulit ang loob nila ni Mia, ngunit ngayon ay alam nilang hindi na naman pwede. May obligasyon pa si Mia sa kanyang pamilya at sa kanyang nobyo. Mapanukso man ang tadhana, ngunit hindi naman nito binibigyan ng tamang pagkakataon at panahon upang magkatotoo ang sinusubukang totohanin ng tadhana. Tila maraming humahadlang upang matuloy ang kanilang pagmamahalan.

Sinasabi nilang may tamang panahon at pagkakataon para sa pag-ibig. Ito ang isang mensahe na pinapatunayan sa pelikula. May mga oras na malapit na sana tayo sa pinapangarap nating mangyari, ngunit kung kailan nandyan na sana tayo ay diyan pa bumibitaw sa atin ang tadhana. Sa kuwento nila Mia at Allan, maraming bagay ang pumapel sa gitna nila para subukin ang kanilang pag-ibig para sa isa’t isa. Ngunit sa bandang huli ay pinatunayan nilang kayang hamakin ng kanilang pagmamahal ang anumang sumusubok na sirain sila.

Sa huli, masayang pagtatapos ang ibinigay ng tadhana sa kanila ni Allan at Mia. Pinapatunayan nito na ang sabi ng mga matatanda na “sa hinahaba-haba ng prosesyon, sa simbahan pa rin ang tuloy” ay totoo pa rin kahit sa makabagong henerasyon ngayon. Sinasabi nito na ang tunay na pagmamahal ay kayang hamakin anuman ang mga pagsubok na dumating. Mensahe nito na kahit ngayon ay posible pa ring magkaroon ng happy ending ang mga relasyon, basta lamang pinaglalaban ito at ginagawa ang kung ano ang tama at nararapat.

Isang makatototohanang pagganap din ang ibinigay ng box-office king na si John Lloyd Cruz bilang Allan. Ang pelikulang ito ay isa lamang patunay sa bawat panalo at pagkilala sa kanya bilang pinakamahusay na aktor sa kanyang henerasyon. Hindi ang John Lloyd Cruz na karaniwang masayahin at palabiro ang makikita ng mga manunuod dito, ngunit isang senswal at matalinong aktor na pinapasok ang sarili sa papel na pinapaganap sa kanya. Pinapatunayan niya na alam nya ang karakter na kanyang ginagawa, at ang mga emosyong kanyang pinapakita ay angkop sa bawat eksena ng pelikula.

Kapuri-puri din ang naging pagganap ni Bea Alonzo bilang si Mia. Malalim ang mga pinaghuhugutang emosyon, wala nang ibang aktres na mas may karapatang gumanap sa karakter na ito. Binigyan niya ng hustisya ang Mia na masarap magmahal ngunit mahirap masaktan.

Naging epektibo din ang pagganap ng ibang mga pangalawang actor at aktres na kasama sa pelikula. Halimbawa na lamang ang sumisikat na si Maricar Reyes bilang si Daphne, na may-ari ng ilan sa mga tumatak na linya sa pelikula. Sa linya niyang “Thank you. Sinoli mo 'to sa 'kin” kung saan tinutukoy niya ang cellphone niyang isinoli ni Mia, sinabi niya ito habang nakaakbay sa kanyang nobyong si Allan. Dito, tila ipinapahiwatig ni Daphne na nagpapasalamat din siya na isinoli ni Mia si Allan sa kanya. Magaling at mararamdaman ang bawat karakter, gaano man kaliit ang papel na ginagampanan ng storya.

Tunay nga, ang tatlong taong hinintay upang magbalik ang love team na ito sa pinilakang-tabing ay tama lang para masabik ang mga tao sa isa na namang di malilimutang kwento ng buhay, pag-asa at pag-ibig.

(Vida Llevares is a freelance writer. She is based in Cebu City)

Wednesday, February 24, 2010

Pinoy Movie Review: Di na Natuto: Isang Sipat sa "Quicktrip" ni Cris Pablo




Ni Mar Anthony Simon de la Cruz

Magdadalawang taon na nang unang ipinalabas ang “Quicktrip” (dating "Quickie") ni Crisaldo Vicente Pablo. Maraming pumuri, at marami rin namang, sa terminilohiya ng sangkabaklaan, na-chakahan. Ilang kaibigan ang nagtangkang kaladkarin ako papuntang UP Cine Adarna para mapanood ang premiere screening. Pero, magkamatayan na, kahit na isangla ko pa ang mga kapitbahay ko, hinding-hindi ko panonoorin ang indie gay film na ito. Pagkatapos kasi akong ma-knock out sa inis sa “Bathhouse” at “Metlogs” ni Pablo, itinaga ko sa batong hindi na muling mag-aaksaya ng pera at hikab sa kanyang mga pelikula.

Nilunok ko ang mga salita ko.

Na-assign akong gumawa ng review ng isa sa mga pelikula sa Queer Love Fim Festival na proyekto ng Philippine Independent Filmmakers. Excited ako sa “Boy” ni Aureaus Solito at sa “Daybreak” ni Adolfo Alix, Jr. Sa una dahil napa-awww ako sa “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” at sa pangalawa dahil minahal ko ang “Donsol”. Naintriga rin ako sa “Ben & Sam” ni Mark Shandii Bacolod at “The Thank You Girls” ni Bebs Gohetia. Hindi ako fan ni Joel Lamangan, kung pagbabasehan ang huli niyang mga proyekto, kaya burado agad sa listahan ko ang “Heavenly Touch” at “Walang Kawala”. Inekisan k rin ang “Ang Laro sa Buhay ni Juan” ni Jay Altarejos dahil hindi ko nagustuhan ang mga nauna niyang proyekto, “Ang Lalaki sa Parola” at “Ang Lihim ni Antonio”.

Sabi ko nga, napako ang ipinangako ko sa sarili. Dahil sa February 23 screening lang ng “Quicktrip” ako puwede, wala na akong magawa kundi magbayad ng PhP 161 at maupo sa sinehang aalog-alog.

Nanakawan ng cell phone si Dexter (Ian Alacador), ang materialistic na call center agent na grabe kung ipedestal ang trabaho (something to this effect: "Tandaan mo, waiter ka lang, call center agent ako!"). Nakipag-break siya sa kasintahang si Cris (Toffer Barretto) dahil hindi matustusan ng waiter na nakatira sa iskwater ang kanyang mga luho. Nakipag-date sa iba si Dexter. Nakilala ni Cris si Andro (Andrew Morgan). At katulad ng sa iba pang mga pelikula ni Pablo, nangyari ang dapat na mangyari. Na-in love ang bida matapos marinig ang kuwentong-buhay ng lalaki at matapos mairaos ang init ng katawan. Climax. Isa palang barumbadong call boy si Andro, pinagsasapok at kinikilan ang kawawang si Cris. Nakaganti ang binata at nabawi ang pera.

Si Pablo ang isa sa mga nanguna sa paggawa ng mga pelikulang indie sa Pilipinas. Ngunit kung ang ibang direktor ay tumatalakay na sa mas malalang problema sa lipunang ginagalawan ng mga bakla, mistulang napako si Pablo sa pagtalakay sa paksang paulit-ulit nang tinatalakay sa mga pelikulang para sa bakla – sex. Itinanghal sa pelikula ang pagiging oportunista at pagiging hayok sa sex ng mga bakla, isang imaheng kumakaladkad paatras sa tunguhin ng pagsusulong ng karapatan ng mga bakla.

Sa “Quicktrip”, pinoproblema nina Cris at Andro kung saan sila magse-sex. Sa sinehan, parang mga sabik na buwitre ang mga bakla, naghahanap ng karneng malalapa. Ipinakita rin ang desperasyon ng isang pangit na bakla na makatikim ng lalaki. Halos manikluhod siya kina Cris at Ando para isama siya sa kanilang pagti-trip, halos sambahin ang dalawa. Hanggang ngayon, hindi pa rin maiwasan ni Pablo ang pag-stereotype sa mga bakla: parlorista, gimikero, malandi, papalit-palit ng nobyo, sumasamba sa bukol, hindi nag-iisip, madaling maloko. May pagtatangka ngayon aa panitikan at sa pelikula na iangat ang bakla hindi lamang bilang taong hayok sa sex, kundi isang taong may iba pang problema maliban sa sex. Hindi ko ito nakita sa pelikula ni Pablo.

Tinangka rin naman niyang sagkain ang nakasanayan. Sa isang eksena ay ang magkasintahang transvestite. Ngunit ginawa itong katawa-tawa sa pelikula na parang sinasabing hindi dapat seryosohin ang ganitong relasyon. At bagamat propesyonal ang ilang bakla sa pelikula, makikitang nakakulong pa rin sila sa kahon.

Tinangka rin ng pelikulang sipatin ang relasyon ng kahirapan at kasarian. Gusto ko ang opening credits: Mula sa ilang libong suweldo ni Cris, iilang daang piso na lamang ang natitira sa kanya. Dahil sa kanyang kahirapan, hiniwalayan siya ni Dexter. Ito ang isa pang kahinaan ng pelikula. Mas may saysay sana kung tinalunton ng direktor ang epekto ng kahirapan sa pagkatao ni Cris bilang isang bakla, hiwalay sa kanyang relasyon. Mas matindi kasi ang problema ng kahirapang dinaranas ng bida – mababang pasahod, demolisyon, inang maysakit, mga kapatid na walang pambayad sa mga gastusin sa paaralan – kaysa sa napakababaw niyang relasyon kay Dexter. Mula sa hanay ng mahihirap ang pangunahing tauhan sa pelikula, ngunit sensibilidad ng isang nasa middle class ang namayani rito.

Nanghinayang ako sa PhP 161 na ibinayad ko sa sinehan sa Robinsons. Mapapalampas ko ang di-kagalingang pag-arte, ang pag-i-Ingles ng mga tauhan na nakapagpapadugo ng ilong, at ang ilang problemang teknikal (halimbawa, hindi konsistent ang lakas ng tunog), pero hindi ko kayang balewalain ang hindi patuloy na pagkabansot ng mga likha ni Pablo. Malaking balakid ang mga likhang tulad ng “Quicktrip” sa pag-unlad ng mga kilusang nagtataguyod sa adhika ng mga bakla sa Pilipinas.

(Mar Anthony Simon de la Cruz is a freelance writer currently based in U.P., Diliman. He is currently pursuing his master's degree in Creative Writing at U.P. Diliman)