Wednesday, February 24, 2010

Pinoy Movie Review: Di na Natuto: Isang Sipat sa "Quicktrip" ni Cris Pablo




Ni Mar Anthony Simon de la Cruz

Magdadalawang taon na nang unang ipinalabas ang “Quicktrip” (dating "Quickie") ni Crisaldo Vicente Pablo. Maraming pumuri, at marami rin namang, sa terminilohiya ng sangkabaklaan, na-chakahan. Ilang kaibigan ang nagtangkang kaladkarin ako papuntang UP Cine Adarna para mapanood ang premiere screening. Pero, magkamatayan na, kahit na isangla ko pa ang mga kapitbahay ko, hinding-hindi ko panonoorin ang indie gay film na ito. Pagkatapos kasi akong ma-knock out sa inis sa “Bathhouse” at “Metlogs” ni Pablo, itinaga ko sa batong hindi na muling mag-aaksaya ng pera at hikab sa kanyang mga pelikula.

Nilunok ko ang mga salita ko.

Na-assign akong gumawa ng review ng isa sa mga pelikula sa Queer Love Fim Festival na proyekto ng Philippine Independent Filmmakers. Excited ako sa “Boy” ni Aureaus Solito at sa “Daybreak” ni Adolfo Alix, Jr. Sa una dahil napa-awww ako sa “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” at sa pangalawa dahil minahal ko ang “Donsol”. Naintriga rin ako sa “Ben & Sam” ni Mark Shandii Bacolod at “The Thank You Girls” ni Bebs Gohetia. Hindi ako fan ni Joel Lamangan, kung pagbabasehan ang huli niyang mga proyekto, kaya burado agad sa listahan ko ang “Heavenly Touch” at “Walang Kawala”. Inekisan k rin ang “Ang Laro sa Buhay ni Juan” ni Jay Altarejos dahil hindi ko nagustuhan ang mga nauna niyang proyekto, “Ang Lalaki sa Parola” at “Ang Lihim ni Antonio”.

Sabi ko nga, napako ang ipinangako ko sa sarili. Dahil sa February 23 screening lang ng “Quicktrip” ako puwede, wala na akong magawa kundi magbayad ng PhP 161 at maupo sa sinehang aalog-alog.

Nanakawan ng cell phone si Dexter (Ian Alacador), ang materialistic na call center agent na grabe kung ipedestal ang trabaho (something to this effect: "Tandaan mo, waiter ka lang, call center agent ako!"). Nakipag-break siya sa kasintahang si Cris (Toffer Barretto) dahil hindi matustusan ng waiter na nakatira sa iskwater ang kanyang mga luho. Nakipag-date sa iba si Dexter. Nakilala ni Cris si Andro (Andrew Morgan). At katulad ng sa iba pang mga pelikula ni Pablo, nangyari ang dapat na mangyari. Na-in love ang bida matapos marinig ang kuwentong-buhay ng lalaki at matapos mairaos ang init ng katawan. Climax. Isa palang barumbadong call boy si Andro, pinagsasapok at kinikilan ang kawawang si Cris. Nakaganti ang binata at nabawi ang pera.

Si Pablo ang isa sa mga nanguna sa paggawa ng mga pelikulang indie sa Pilipinas. Ngunit kung ang ibang direktor ay tumatalakay na sa mas malalang problema sa lipunang ginagalawan ng mga bakla, mistulang napako si Pablo sa pagtalakay sa paksang paulit-ulit nang tinatalakay sa mga pelikulang para sa bakla – sex. Itinanghal sa pelikula ang pagiging oportunista at pagiging hayok sa sex ng mga bakla, isang imaheng kumakaladkad paatras sa tunguhin ng pagsusulong ng karapatan ng mga bakla.

Sa “Quicktrip”, pinoproblema nina Cris at Andro kung saan sila magse-sex. Sa sinehan, parang mga sabik na buwitre ang mga bakla, naghahanap ng karneng malalapa. Ipinakita rin ang desperasyon ng isang pangit na bakla na makatikim ng lalaki. Halos manikluhod siya kina Cris at Ando para isama siya sa kanilang pagti-trip, halos sambahin ang dalawa. Hanggang ngayon, hindi pa rin maiwasan ni Pablo ang pag-stereotype sa mga bakla: parlorista, gimikero, malandi, papalit-palit ng nobyo, sumasamba sa bukol, hindi nag-iisip, madaling maloko. May pagtatangka ngayon aa panitikan at sa pelikula na iangat ang bakla hindi lamang bilang taong hayok sa sex, kundi isang taong may iba pang problema maliban sa sex. Hindi ko ito nakita sa pelikula ni Pablo.

Tinangka rin naman niyang sagkain ang nakasanayan. Sa isang eksena ay ang magkasintahang transvestite. Ngunit ginawa itong katawa-tawa sa pelikula na parang sinasabing hindi dapat seryosohin ang ganitong relasyon. At bagamat propesyonal ang ilang bakla sa pelikula, makikitang nakakulong pa rin sila sa kahon.

Tinangka rin ng pelikulang sipatin ang relasyon ng kahirapan at kasarian. Gusto ko ang opening credits: Mula sa ilang libong suweldo ni Cris, iilang daang piso na lamang ang natitira sa kanya. Dahil sa kanyang kahirapan, hiniwalayan siya ni Dexter. Ito ang isa pang kahinaan ng pelikula. Mas may saysay sana kung tinalunton ng direktor ang epekto ng kahirapan sa pagkatao ni Cris bilang isang bakla, hiwalay sa kanyang relasyon. Mas matindi kasi ang problema ng kahirapang dinaranas ng bida – mababang pasahod, demolisyon, inang maysakit, mga kapatid na walang pambayad sa mga gastusin sa paaralan – kaysa sa napakababaw niyang relasyon kay Dexter. Mula sa hanay ng mahihirap ang pangunahing tauhan sa pelikula, ngunit sensibilidad ng isang nasa middle class ang namayani rito.

Nanghinayang ako sa PhP 161 na ibinayad ko sa sinehan sa Robinsons. Mapapalampas ko ang di-kagalingang pag-arte, ang pag-i-Ingles ng mga tauhan na nakapagpapadugo ng ilong, at ang ilang problemang teknikal (halimbawa, hindi konsistent ang lakas ng tunog), pero hindi ko kayang balewalain ang hindi patuloy na pagkabansot ng mga likha ni Pablo. Malaking balakid ang mga likhang tulad ng “Quicktrip” sa pag-unlad ng mga kilusang nagtataguyod sa adhika ng mga bakla sa Pilipinas.

(Mar Anthony Simon de la Cruz is a freelance writer currently based in U.P., Diliman. He is currently pursuing his master's degree in Creative Writing at U.P. Diliman)

No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive