Tuesday, April 20, 2010

Pinoy Indie Movie Review: "Kinatay" ni Brillante Mendoza: Winner at the 62nd Cannes Film Festival in 2009




Ni Mar Anthony Simon de la Cruz

Matagal na akong exposed sa mga pelikulang nagtatanghal ng katayan ng katawan tulad ng Ichi the Killer, Battle Royale, Salo: 100 Days of Sodom, Night of the Living Dead, Hostel at Saw series, at marami pang iba (kabilang na ang mga pelikula ni Quentin Tarantino). Kaya wa epek na sa akin ang mga brutal at madugong pelikula. Sa totoo lang, hindi na kailangang manood ng mga bayolentng pelikula para ma-immune sa karahasan – buksan lang ang TV at manood ng primetime news, at makikita na ang iba’t ibang uri ng karahasan sa lipunan.

Ngunit hindi ko naihanda ang sarili sa Kinatay (The Execution of P) ni Brillante Mendoza. Hindi lang kasi ang katawan ni Madonna (Maria Isabel Lopez) ang kinatay rito – kinakatay rin nito ang pagkatao ng baguhang pulis na si Peping (Coco Martin) at moralidad ng mga manonood.

Kaya hindi nakagugulat ang mga balitang marami ang nag-walkout sa screening ng pelikula sa 62nd Cannes Film Festival. Hindi nila kayang sikmurain ang kuwento at imaheng inihain ni Mendoza sa kanila. Sa katunayan, hindi iilang kritiko ang nagsabing ang Kinatay, isa sa mga nominado sa kompetisyong Palme d'Or, ang “worst film” sa kasaysayan ng Cannes. Sa kabila nito, naiuwi ni Mendoza ang premyong Best Director para sa pelikula. Naging matalim ang dila ng prominenteng kritiko na si Roger Ebert tungkol sa pelikula:

“There are few prospects more alarming than a director seized by an Idea. I don't mean an idea for a film, a story, a theme, a tone, any of those ideas. I'm thinking of a director whose Idea takes control of his film and pounds it into the ground and leaves the audience alienated and resentful...Here is a film that forces me to apologize to Vincent Gallo for calling "The Brown Bunny" the worst film in the history of the Cannes Film Festival.”

Isa si Mendoza sa mga direktor na sumusubok sa pasensiya ko. Muntik na akong mag-walkout sa screening noon ng Serbis dahil nabagot ako sa walang katapusang akyat-baba ng mga tauhan sa hagdan, sa makatunaw-bait na natural sound na sumasapaw sa boses ng mga karakter, sa walang patumanggang sex scenes, at sa pigsa na sa unang tingin ay parang walang katuturan. Ngunit naging malinaw sa akin (ilang beses kong pinanood ang pelikulang ito) kung ano ang sinisimbolo ng mga ito sa estado ng pelikula, pamilya, at moralidad sa lipunan.

Muling sinubok ng Kinatay ang pasensiya ko noong pinanood ko ito sa UP Cine Adarna. Para bang sinasabi ng pelikula, lalo na sa isang napakahabang eksena sa loob ng van, na: “Hoy, Mar, ano pa’ng ginagawa mo rito? Umalis ka na, bilis!” Pero napako ang puwet ko sa kinauupuan. Saka ko lang naintindihan kung bakit.

Nagsimula ang pelikula sa kasal nina Peping at Cecile (Mercedes Cabral) sa city hall kasama ang ilang mga kamag-anak. Rumaraket si Peping bilang kolektor para sa isang drug gang upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Niyaya siya ni Abyong (Jhong Hilario) isang gabi sa isang lakad kasama sina Sarge (John Regala) at Vic (Julio Diaz), mga lider ng gang. Sinundo ng grupo si Madonna. Hindi inasahan ni Peping ang mga sumunod na pangyayari. Binugbog nina Sarge at Vic ang putang may pagkakautang sa grupo. Sa isang hideout, ginahasa at pinagputol-putol ang katawan ni Madonna.

Hinihigop ng pelikula ang mga manonood papasok sa madilim at brutal na mundo ni Peping at ng kriminal na organisasyon. Katulad ni Peping, nakulong ako sa isang sitwasyong mahirap takasan. Ilang beses siyang nagtangkang tumakas, ngunit hindi niya ito magawa. Ganito rin ang naramdaman ko habang pinapanood ang pelikula. Pakiramdam ko ay bahagi ako ng kuwento. Saksi ako sa pambubugbog, panggagahasa, at pagkatay sa babae. Nasaksihan ko kung gaano karahas ang buhay. Ngunit wala akong ginawa/magawa. Gusto kong tumakbo palayo, pero hindi ko ginawa dahil sa takot.

Mahusay ang lahat ng mga aktor, partikular si Martin. Kahit nasa dilim, kahit hindi gaanong nakikita ang kanilang mukha, napapasok ng mga mga manonood ang takbo ng isip at nararamdaman ang kanilang damdamin ng mga karakter. Nakatulong ang scoring at cinematography sa paglikha ng isang brutal na sitwasyon. Lahat ng ito ay dahil sa kahusayan ni Mendoza.

Kinatay ng Kinatay ni Mendoza ang sensibilidad ko. Hindi rin nakaligtas ang moralidad ko. Nakisimpatya ako kay Peping, sa kabila ng naging bahagi niya sa krimen. Maaaring ganoon din ang gawin ko kung sakaling maipit sa parehong sitwasyon. Nakahinga nang maluwag si Peping matapos maisagawa ang krimen at makuha ang bayad. Nahugot naman ang palakol na bumaon sa dibdib ko habang pinapanood ang krimen sa pelikula.

Marahil ay hindi masikmura ng maraming manonood ang pelikula dahil hindi sila handang harapin ang katotohanan – ang katotohanan na lubhang marahas ang lipunan, at bahagi sila ng pagpapatibay at pagpapatuloy ng karahasang ito.

(Editor's note: “Kinatay” won the Prix de la Mise en Scene - Best Director through Brillante Mendoza at the 62nd Cannes Film Festival (2009) (http://en.wikipedia.org/wiki/index.html?curid=22740168#cite_note-festival-cannes.com-0).

(Mar Anthony Simon de la Cruz is a freelance writer. He is currently finishing his master's in creative writing at U.P. Diliman).

3 comments:

  1. he has his point.....d ko pa ito npapanood pero i think there's a big moral lesson ....na napakarahas ng lipunan at kailangan nting tanggapin ito...isang katotohanang mahirap harapin

    ReplyDelete
  2. isang napakagandang palabas ito. at ito ay naging isang magandang halimbawa sa akin dahil katulad ngayun isa akung criminology student. marami akung natutunan lalu na ang mga mapagkungwaring mga tao sa ating lipunan na akala mu ay isang mabuting alagad ng batas kundi isa palang utak ng sindikato. panu mu nga naman mahuhusgahan ang isang militar na may mataas na katungkulan. mahirap paniwalaan pero yan ang totoo. BASTA PERA ANG PAG.UUSAPAN MINSAN HINDI NA BATAS ANG IIRAL KUNDI KASAKIMAN.

    ReplyDelete
  3. D'best sa lahat ng napanood kong indie film ang "KINATAY". Naipakita sa bawat takbo ng istorya ang nais ipahatid sa tao. Wala akong masabe ! Wow ! as in WOw ! hindi ko akalain na hahanga ako ng lubos sa gumawa nito. Nakuha ko ng mensahe na nais ipahatid ng kwento nito. Noong una parang may nagtutulak sakin para hindi tapusin ito dahil sa kabrutalan, pero may nanghihila din sakin para ipagpatuloy to, nakuha niy ang buong atensyon at oras ko. The Best talaga to ! As in !

    ReplyDelete

Blog Archive

The Diary Archive