Wednesday, June 2, 2010

Pinoy Indie Movie Review: Ang Kuwento ng “Balangingi”





Ni Vida Llevares
Isang patunay na ang pag-ibig ay walang kinikilalang oras, lugar at personalidad, ang pelikulang “Balangingi” ay isang maikling kwento lamang na tila hinahamak ang karaniwang anyo ng pagmamahal. Dito, ipinapakita ang simpleng paglalarawan kung ano ang pananaw ng isang simple, ngunit kakaibang, Pilipino pagdating sa mga usaping pag-ibig.

Nakasentro ang istorya kay Xoo, isang batang Pinoy na kahit sa kanyang kabataan ay isa nang matinik na pilosopo. Ang buhay niya ay nakaikot sa pagtatanong sa mga dahilan ng mga bagay-bagay sa mundo – mga bagay na sa ordinaryong Pilipino ay wala lang at hindi dapat pagtuunan ng pansin. Sa bawat kilos niya ay kaakibat niya ang kanyang utak sa pag-iisip at wala siyang pinapalagpas na bagay na hindi niya naitatanong ang kanyang sarili ang mga tanong na, “Bakit?”, “Para saan?” at “Galing saan?”. Para sa kanya, may eksplanasyon at dahilan ang bawat bagay na nakikita at nangyayari sa paligid niya. Isa siyang makalumang Pilipinong nakapreso sa makabong henerasyon, kung saan ang lahat ng bagay ay tanggap nang normal at hindi na sinusubukang gawan ng eksplanasyon. Isa siyang henyo pero ang kanyang isipan ay nakakulong at tahimik lamang na nag-iisip dahil siya ay gumagalaw sa isang mundong wala namang pakialam di tulad niya.

Si Xoo ay may pamangking bakla na sa katunayan ay mas matanda pa sa kanya ng dalawang buwan. At dahil halos magkaedad lamang ang dalawa ay malapit sila sa isa’t isa. Napansin ni Jane, ang pangalan ng baklang pamangkin ni Xoo, ang tila pag-iisa ni Xoo. Tingin niya ay kulang ito sa pang-unawa at pagmamahal dahil nga nakasentro lamang ito sa kanyang sariling mga pananaw at pilosopiya. At dahil sa malasakit ni Jane sa kanyang Tito ay naisipan nitong ilagay siya sa isang blind date. Alam ni Jane na hindi gugustuhin ni Xoo ang kanyang naisipan pero alam din niyang di siya matatanggihan ni Xoo.

Kaya’t kinausap ni Jane ang isa nyang kaibigan na si April, na tila may pagkakahawig din kay Xoo sa personalidad. Isang palabasa ng libro, puno din si April ng ideyalismo at may sarili ding atake sa mga pangyayari at realidad ng buhay. Sa daan-daang mga librong kanyang binabasa humuhugot si April ng mga kaalaman tungkol sa mundo. Maganda siya, ngunit hindi siya ang tipo ng babaeng papangarapin ng isang lalaki dahil sa kanyang angking talino. Tila maiilang ang bawat lalaking lalapit sa kanya dahil ang kanyang tanging bukambibig ay ang kanyang mga nabasa sa mga libro at mga nalalaman niya. Hindi din siya ang klaseng nakikipag-date sa lalaki. Mas mamarapatin pa niyang ilaan ang kanyang oras sa pagbasa kaysa makipagkilalal sa kung sinu-sinong lalaki. Subalit dahil pinakiusapan siya ni Jane na malapit niyang kaibigan ay pumayag naman si April.

Kaya’t sa kalaunan ay naghanda na si April sa blind date sa isang malapit na restaurant. Sa di naman kalayuan ay naghahanda na rin si Xoo sa parehong date. Bago dito ay pareho silang gumawa ng kanya-kanyang spekulasyon kung sino at kung anong klaseng personalidad ang kanilang ka-date. Pareho silang umisip ng mga karaniwang impresyon sa kabilang kasarian. Pagdating sa restaurant, wala pang umiimik sa kanilang dalawa, dahil nga pareho silang hindi pala-date. Nagkaroon ng ilangan nung una, at tila gusto nila parehong maipagmalaki ang kanilang mga nalalaman at nababasa. Kaya’t ang una nilang pinag-usapan ay ang mga titulo at may-akda ng mga librong gusto nila. Nagpatagisan sila sa una, at ang tila pagkailang nila ay umusbong sa masayang pagkakaintindihan. Sa mga ideyang kanilang nababahagi ay nagkakaroon sila ng pagkakaunawaan sa kung sino sila bilang mga tao. Nakikita nila ang totoong pagkatao ng bawat isa sa kanilang sariling mga pilosopiya at kaisipan.

Sa mga karakter ni Xoo at April, makikita na ang pag-ibig ay posible maging sa mga taong pilosopo at mataas ang mga pananaw sa buhay. Dito nakikita na kahit ang mga ganitong klaseng tao ay napapaamo pagdating sa tawag ng puso. Ang pelikula ay isang simpleng paglalarawan na kahit sino ay pwedeng umibig at magmahal. May sari-sarili man tayong mga pag-aalinlangan at limitasyon pagdating sa pagmamahal na ating maibibigay, ngunit pagdating ng tamang taong ating iibigin ay nakakalimutan natin ang mga ito at handa tayong ibigay ang lahat-lahat sa atin.

Simple at maiksi lamang ang istorya, ngunit hindi ito nagkamaling pukawin ang damdamin ng bawat manonood na hamakin ang lahat para lamang sa pag-ibig. Ipinapakita nito na kahit gaano katalino at kataas ang estado ng bawat tao sa lipunan ay may nakatagong isang romantiko sa kanya na ang tanging hinahangad lamang ay ang magmahal at mahalin.

Ang pelikula ay isa ring nararapat na maipagmamalaki dahil isa itong gawang lokal at gawang Kapampangan. Ang mga karakter nito ay nagsasalita din sa wikang Kapampangan kaya ito ay nagpapatunay na kahit ang mga nasa probinsya ay kayang gumawa ng katangi-tangi at dekalidad na mga istorya.

(Vida Llevares is a freelance writer who writes for the Diliman Diary. She is currently based in Cebu City).

No comments:

Post a Comment

Blog Archive

The Diary Archive