Sunday, August 25, 2013

PAHAYAG NG UPCSWCD: TANGGALIN ANG PORK BARREL NGAYON NA!

PAHAYAG NG UPCSWCD
22 Agosto 2013

TANGGALIN ANG PORK BARREL NGAYON NA!
PONDOHAN ANG MGA BATAYANG SERBISYONG PANLIPUNAN!

Nakikiisa ang Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (CSWCD) ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa mga miyembro ng faculty, staff, estudyante at alumni ng UP na mariing nagkokondena sa walang pakundangang paglulustay ng pera ng bayan sa mga bogus na NGO at proyekto gaya ng ipinahihiwatig ng tinatawag na P10-bilyong Napoles scam. Bilyun-bilyong piso ang inilalaan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga senador at congressmen ngunit walang linaw kung paano ito nagagasta kayat nagiging oportunidad para sa walang habas na pandaraya at pandarambong.

Mayroon din ibang malalaking pondo na ang tawag ay lump sum appropriation ng mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang ehekutibo, na hindi alam kung ano at saan ang pupuntahan.

Ang ganitong sitwasyon ay tunay na nakakapanlumo, nakakaiyak at nakakagalit lalo na sa konteksto ng laganap na kagutuman at kasalatan ng mahihirap na Pilipino. Ngayon ay dagdag pang hagupit ang pananalanta ng mga bagyo at pagbaha.

Sa harap ng ganitong kalagayan ay malinaw ang tuwid na landas na dapat tahakin ng lahat ng mamamayang Pilipinong may malasakit sa Inang Bayan. Di dapat palampasin ang tahasang pagtalikod sa matitinding pangangailangan ng ating mga kababayan at garapal na paglustay ng pondong dapat sila ang nakinabang.

Dapat imbestigahan at parusahan ang lahat ng maysala!
Dapat suportahan ang panukalang batas para sa pagtatanggal ng sistemang pork barrel! Isabay na rin dito ang pagtatanggal ng lump sum appropriation ng lahat ng ahensiya ng gobyerno!

Dapat gamitin ang pondong nakalaan sa pork barrel (P25.4 bilyon para sa taong 2014) at sa mga lump sum appropriation sa mga batayang serbisyong panlipunan para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, mass transport, imprastruktura sa kanayunan, at reporma sa lupa!

Lumahok tayo sa sama-samang pagkilos ng pamayanan ng UP at sa pamayanang binubuo ng lahat ng mga Pilipinong naghahangad ng isang malinis na pamahalaang nananagot sa lahat ng kanyang gawain at gastusin, at tumutugon sa mga pangangailangan at hinaing ng mga maralita at nasasantabi sa lipunan.

No comments:

Post a Comment