(Editor's note: This statement was sent to us via Up Kilos Na: Pahayag ng All UP Workers Alliance sa inilabas na preventive suspension kay UP Cebu Dean Avila at dalawa pang opisyal.)
IPAGDIWANG ANG TAGUMPAY NG SAMA-SAMANG PAGKILOS! NAPATAWAN NA SA WAKAS NG PREVENTIVE SUSPENSION SI DEKANO AVILA NG UP CEBU! Pahayag ng All UP Workers Alliance Dulot ng determinado at matatag na pagkilos at panawagan ng iba't ibang sektor ng UP Cebu at s...uporta mula sa buong UP System ay umaksyon na ang Administrasyon kaugnay ng mga kasong grave misconduct at gross neglect of duty laban sa ilang opisyal ng UP Cebu. Nitong nakaraang Mayo 26, 2011 ay pinatawan sa wakas ng preventive suspension sina Dekano Enrique M. Avila ng UP Cebu, Alsidry Sharif (Acting Budget Officer ng UP Cebu) at Ernesto Pineda (lecturer at consultant ng UP Cebu).
Malaking tagumpay na ito at sapat na dahilan upang magdiwang sa ibinunga ng sama-samang pagkilos. Gayumpaman, hindi dapat kakalimutang may nakasampa pa ring kaso ng libelo ni Dekano Avila laban sa sampung guro at empleyado ng UP Cebu dahil sa pagbubunyag nila ng mga ebidensya ng mga iregularidad at korupsyon ng kanyang administrasyon. Kasama sa mga kinasuhan ang mga pangulong lokal ng All UP Academic Employees Union at ng All UP Workers Union. Sa kanilang paglalantad ng mga nasabing katiwalian ay masinop nilang nabigyan ng dokumentasyon at patunay ang iba't ibang instansya ng pagsisinungaling, opresyon, malalang pagpapabaya sa tungkulin at iba pang mga aksyong may negatibong naidudulot sa serbisyong pampubliko nina Dekano Avila, Sharif at Pineda. Mahaba ang listahan ng mga grabe nilang paglabag sa mga regulasyon Unibersidad at mga batas hinggil sa wastong etika at kondukta ng mga publikong opisyal. Masasabing may tuwirang pananagutan si Dekano Avila sa karamihan ng mga katiwaliang ito samantalang may command responsibility naman siya sa lahat ng mga ito. Ito ang naging batayan ng Administrasyon ng UP sa pagsasampa ng administratibong kaso laban kina Dekano Avila. Pero hindi pa nagtapos doon ang kasuhan. Pagkaraan lamang ng ilang linggo ng pagsasamapa ng kasong libelo ay kinasuhan naman ng perjury ni Alsidry Sharif ang anim na pintor (mga manggagawang job order) dahil sa paggawa nila ng mga affidavit na tumetestigo sa kanyang pangingikil sa kanila ng tig-isang daan kaugnay daw ng pag-renew ng kanilang mga kontrata. Patuloy pa ring nakabitin ang usaping ito.
Maliban sa mga kasong ito ay mabigat na nakabinbing usapin ang tenure ni Prop. Roberto C. Basadre. Noon pang Nobyembre 25, 2010, nirekomenda ng UPV Academic Personnel and Fellowships Committee (AcPFC) ang pagbibigay ng tenure kay Prop. Basadre ng UP Cebu Professional Education Division (PED). Natugunan na ni Prop. Basadre ang lahat ng requirement upang magawaran ng tenure kasama na ang publikasyon sa isang refereed journal. Gayumpama'y arbitraryo at labag sa prosesong hinarang ito ni Dekano Avila. Kakabit ito ng unilateral na plano ni Avila na lusawin ang UP Cebu High School kahit hindi pa napagdedesisyunan ang usaping ito ng BOR. Labis-labis na paglabag ito sa mga karapatan ni Prop. Basadre sa wasto, malinaw at walang diskriminasyong proseso ng pagkonsidera ng kanyang tenure. Lalo pang nangangailangan ng maagap na pagtugon ang usaping ito sapagkat nagtapos na ang temporary appointment ni Prop. Basadre nitong Mayo 31, 2011.
Patuloy na usapin din kaugnay ng prinsipyo ng demokratisasyon ng pamamalakad ng Unibersidad na nakapaloob sa UP Charter ang arbitraryong pagkakait ni Dekano Avila sa mga mag-aaral ang kanilang representasyon sa Executive Committee (Execom). Ginawa niya ito kahit ganito na ang kalakaran bago humiwalay bilang autonomous na kolehiyo ang UP Cebu. Mula noong pumutok ang usapin ng tiwaling pamumuno ni Dekano Avila sa UP Cebu ay matiyagang naghintay at nag-antabay ang mga apektadong sektor ng UP Cebu at ang lahat ng nagmamalasakit ng naaangkop na tugon mula kay Presidente Pascual. Malaking bagay na natanggal na sa pwesto kahit pansamantala lamang sina Dekano Avila upang maiwasan na ang patuloy nilang pang-aabuso sa kapangyarihan at panggigipit sa mga naglalantad ng kanilang mga katiwalian. Ngunit kailangang manatiling mapagmatyag sapagkat ang ginawang Dekanong OIC ng Cebu na si Richelita Galapate ay dating bahagi ng Administrasyong Avila at kailangan pa niyang patunayan ang kanyang kakayahang magdesisyon sa paraang makatarungan at matuwid. Malinaw na malinaw ang mga ebidensya at malinaw na rin ang dapat maging aksyon. Huwag nang magpatumik-tumpik pa! Patalsikin na agad sina Dekano Avila, Sharif at Pineda!
No comments:
Post a Comment